Friday, May 9, 2014

Pambansang Araw ng mga Manggagawang Pangkalusugan (May 7)

REHIMENG US-AQUINO: Anti-MANGGAGAWANG PANGKALUSUGAN, Anti-MAMAMAYAN, SINGILIN!

             Sa Pambansang Araw ng mga Manggagawang Pangkalusugan (May 7) ating gunitain at parangalan ang mga bayani at martir ng sektor pangkalusugan at ng kilusang manggagawa.  Sumasaludo din tayo sa mga manggagawang patuloy na nakikibaka para sa kagalingan ng buong sambayanan! 

  
            Pagkatapos gumastos ang gobyerno ng Pilipinas ng limpak-limpak na salapi sa pagbisita ni US Pres. Obama dito sa Pilipinas at pumasok sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA na nagbibigay laya sa pagpasok at pagbabase ng US forces sa Pilipinas,  tahasang sinabi ni P-Noy na walang ibibigay na dagdag sahod at iba pang benepisyo para sa mga manggagawa ng gobyerno dahil walang budget.  Kasuklam-suklam ang ganitong pahayag na nagpapakita na walang puso si PNoy sa mga manggagawa, kasama na  ang manggagawang pangkalusugan.

  
            Mahigit 12 milyong Pilipino o 3 sa bawat 10 ng labor force  ay walang trabaho, kasama dito ang daan libong nars na walang mapasukan.  Sa mga may trabaho naman, hindi nakakabuhay ang sahod/sweldo at ang iba ay wala o binabawian pa ng mga benepisyo.  Bukod dito, ang mga permanenteng posisyon sa mga ospital ay  ginagawang kontraktwal. Bilang resulta, karamihan sa ating mga nars ay napipilitang pumasok bilang call center agents, magbayad bilang hospital trainees o mag-volunteer sa mga ospital kapalit ng certificates; ang iba naman umaasa sa pangingibang bansa upang makakaahon sa hirap.  Ngunit dahil din dito, maraming kaso na ang dumanas ng pangmamaltrato at nawasak ang pamilya. 

 
            Ang kawalan ng trabaho at mababang sweldo sa bansa ay sintomas ng hindi magandang ekonomiya bunga ng maling mga patakaran.  Ibinukas na ng todo ang bansa sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) -  pagbubukas sa  US forces  upang malayang makapasok-labas  sa Pilipinas, kaalinsabay dito ang pagbubukas sa ekonomiya sa pamamagitan ng Trans Pacific Partnership Agreement (TPPA).  Dahil may mga probisyon sa Konstitusyon ng Pilipinas na lalabagin ng mga kasunduang ito, pilit na itinutulak ngayon ang Charter Change. 

            Dapat singilin ang rehimeng US-Aquino sa pagbibigay prayoridad sa interes ng dayuhan at negosyo kaysa sa manggagawa at mamamayang Pilipino.  Sentro ng economic program ng rehimeng Aquino ang  Public-Private Partnership (PPP).   Agresibo itong isinusulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo  sa mga kapitalista tulad ng regulatory risk insurance guarantee, tax breaks, at garantisadong tubo, samantala lantarang pinagkakaitan ang mga manggagawa ng makakabuhay na  sahod o kita. 

            Ang pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng PPP at corporatization, ay nangangahulugang pabubukas sa mga dayuhan at lokal na kapitalista ng serbisyong pangkalusugan at mga pampublikong ospital para gawing negosyo at magkamal ng “super tubo”. Target dito ang 72 na ospital ng gobyerno tulad ng Philippine Orthopedic Center (POC). Magbubunsod ito ng matinding pagtaas ng gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente at kawalan ng seguridad sa trabaho para sa manggagawang pangkalusugan.

 Ang dagdag pamasahe sa MRT/LRT na gustong ipatupad ng gobyernong Aquino  ay para  ipapasan sa mga manggagawa at ordinaryong mamamayan ang mga ipinangakong “super tubo” ng pamahalaan sa mga kontratista at investor sa MRT at LRT.  Ang pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT ay  pagbitiw ng pamahalaan sa responsibilidad nitong magbigay ng abot-kayang  transportasyon sa mga Pilipino.

Kasuklam-suklam ang pribatisasyon sapagkat pinagkakakitaan ng gobyerno ang dapat sana ay abot-kaya o libreng serbisyong napapakinabangan ng mamamayan. Nangyari na ito sa pagsapribado ng NAPOCOR, MWSS, at iba pang institusyong pag-aari ng gobyerno.

Magkaisa! Singilin ang pamahalaang Aquino sa pag-abandona ng kanyang responsibilidad sa mga manggagawang pangkalusugan  at buong mamamayan, at sa pagtaguyod ng interes ng malalaking kapitalista’t dayuhan!

Ating ipanawagan:
·         Sahod Itaas, Presyo Ibaba!
o    Isulong ang Salary Grade 15 (P24,887/mo) para sa mga nurse I!
o    Ipaglaban ang salary upgrading ng mga doctor P50,000/mo!
o    Ipaglaban ang dagdag sa minimum pay na P6000 para sa mga kawani ng gobyerno!
o    P125 dagdag na sahod sa mga manggagawa!
o    Ibaba ang singil sa kuryente, tubig, pamasahe, at iba pang batayang produkto!
·         Ibasura ang patakarang pribatisasyon!
·         Kontraktwalisasyon labanan! Labor Export Policy Ibasura! 
·         Expanded Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Trans-Pacific Partnership Agreement (TPPA), Ibasura!
·         Singilin ang Rehimeng US-Aquino sa pagpapahirap sa mamamayan!
·         Imperyalismo Ibagsak!


 Mayo 7, 2014